VIGAN CITY – Nakatakdang isagawa ngayong araw ang rapid damage asessment sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Tisoy sa Region 4-B o MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) lalo na sa Oriental Mindoro kung saan nag-landfall kahapon ang Bagyo Tisoy.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Office of Civil Defense–MIMAROPA Information Officer Efril Maranan, na apat ang nai-report sa kanila na namatay sa nasabing rehiyon na kapwa nadaganan ng mga nabuwal na kahoy at mga debris dahil sa malakas na hangin at ulan.

Sa kabuuan aniya, mahigit 36,000 katao ang nananatili sa mga evacuation area sa rehiyon at mananatili roon hanggang matapos ang assessment at masiguro na ligtas na silang bumalik sa kanilang mga bahay.

Tiniyak naman nito na sapat ang mga relief items na nakahanda para sa mga evacuees.

Sa ngayon, nagdeklara na ng class suspension ang ilang lalawigan sa MIMAROPA at iba pang bayan sa Palawan dahil kay “Tisoy.”