Emosyonal na isiniwalat ni former Miss Grand International 2024 Rachel Gupta ang dahilan sa likod ng kaniyang pagbibitiw bilang titleholder.
Sa kaniyang inilabas na halos isang oras na video online matapos niyang magbitiw mula sa MGI nitong Miyerkules, inisa-isa ni Rachel na inilahad ang kaniyang pinagdaanan sa nakalipas na 7 buwan bilang MGI queen mula nang magwagi siya noong October 25, 2024.
Inalala niya na mula nang manalo siya hindi siya nakakuha ng maayos na pagtrato gaya ng ipinangako sa kaniya bilang reigning queen tulad na lamang ng hindi pagbibigay sa kaniya ng basic amenities. Taliwas sa ipinangako sa kaniyang “penthouse”, pinatira aniya siya sa isang maliit na hotel room sa loob ng mahigit isang buwan saka inilipat sa isang “dilapidated house” na isang oras ang layo o mahigit mula sa city center, mula sa MGI Hall sa Thailand at wala din aniyang ibinigay na sasakyan.
Hindi din aniya natupad ang ipinangako sa kaniya na pagbiyahe sa mahigit 20 bansa.
Wala din aniyang ibinigay ang organization na food at basic necessities at sa tuwing susubukan aniyang kausapin ang organisasyon kaugnay sa kaniyang sitwasyon, pinagbabantaan siyang i-dethrone at i-blackmail.
Hindi din napigilan ni Rachel na tawagin ang MGI organizers bilang cold-hearted business people na ang iniisip lamang ay kumita ng pera. Nakaranas din aniya siya ng body-shaming. Hindi din niya buong natanggap ang kaniyang prize money at minsan pa lamang siyang binigyan ng buwanang stipend at nagawa lamang niyang maka-survive sa tulong ng kaniyang mga magulang.
Binanggit din ni Rachel ang pagbebenta nila ng “cheap products” sa TikTok na parang mga salesgirls.
Nilinaw din ni Rachel ang alegasyon laban sa kaniya ng MGI organization kaugnay sa pagtanggi niyang sumama sa scheduled trip sa Guatemala.
Ipinaliwanag ni Rachel na ginawa niya ang video hindi para lamang ihayag ang kaniyang kwento kundi para matulungan ang ibang mga kababaihan sa buong mundo na nangangarap sumali sa kompetisyon para malaman nila ang katotohanan hinggil sa organisasyon at hindi matulad sa kaniyang sinapit.
Sa huli, sinabi ng Indian beauty queen na patuloy siyang maniniwala sa kaniyang sarili at pinasalamatan din niya ang publiko sa pagsuporta, pagmamahal at pagtitiwala sa kaniya.
Sa kaniyang pagsasauli ng korona, inihayag ni Rachel na walang nawala sa kaniya sa halip ay nakaramdam siya ng kalayaan sa unang pagkakataon makalipas ang ilang buwan. Sinabi din niyang makakahinga na siya at nanumbalik na ang kaniyang buhay na lubos niyang ipinagpapasalamat.