-- Advertisements --

Kinondena ni Vice President Leni Robredo ang hakbang ng Office of the Solicitor General (OSG) na humahamon sa legalidad ng franchise ng media corporation na ABS-CBN.

Ipinunto ni Robredo sa kanyang statement ang karapatan ng publiko sa malayang pamamahayag.

Naniniwala kasi ang bise presidente na pag-abuso sa kapangyarihan ng gobyerno ang pag-kwestyon ng OSG sa naturang network.

“Ang kalayaan ng pamamahayag ay hindi lamang tungkol sa kalayaang magsalita. Tungkol din ito sa karapatan ng sambayanang marinig ang katotohanan sa buong lawak nito, at matukoy ang kolektibo nating pinahahalagahan bilang bansa,” ani Robredo.

“Kaya mahalagang bantayan ang kasalukuyang panggigipit sa prangkisa ng ABS-CBN dahil higit sa lahat tungkol ito sa kapangyarihan: Sino ang magtatakda ng totoo at ng mahalaga? Kapag sinamsam ng gobyerno ang kapangyarihang ito, sinasamsam din nila ang kolektibong tungkulin nating kilatisin ang katotohanan.”

“Linawin natin: Taliwas sa karaniwang proseso ng pag-renew ng prangkisa ang nangyayari. Panggigipit ito, ayon sa pansariling agenda ng iilang nasa poder. Samakatuwid: Pang-aabuso ito ng kapangyarihan.”

Nangangamba ang pangalawang pangulo na posibleng atakihin din ng gobyerno pati ang maliliit na media networks sa bansa dahil sa hakbang nito ngayon.

“Ang itanong nga po natin: Kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas malilit na network, sa mga pahayagan at istasyon ng radyo, at pati na sa sari-sarili nating mga social media feed, upang madiktahan tayo ng kung ano ang totoo at mahalaga?”

Tinawag ni Robredo ang pansin ng mga mambabatas sa mababang kapulungan na aksyunan ang issue at tumulong para maprotektahan ang press freedom.

“Malinaw po ang tawag sa atin ng prinsipyo: Itaguyod ang kalayaan, isulong ang karapatan, at bantayan ang katotohanan. Masinsin po nating sinusubaybayan ang isyu ng pag-renew ng prangkisa sa ABS-CBN. Hinihimok natin ang lahat— pangunahin na ang mga Kinatawan sa Kongreso, kung saan nakatalaga ang kapangyarihang mag-renew ng prangkisa— na makiisa sa pangangalaga ng kalayaan ng pamamahayag.”