Rep Stella Quimbo
Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo
-- Advertisements --

Umaapela ang beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang proposed P420-B Bayanihan to Arise As One Act o Bayanihan 3.

Ito ay matapos sabihin naman ni Sen. Sherwin Gatchalian sa isang panayam na hindi na kailangan aprubahan ang Bayanihan 3 dahil sapat na raw ang pondong nakalaan sa ilalim naman ng 2021 national budget.

Sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo, sinabi ni Quimbo na maraming mga bagay noong tinatalakay ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) sa Kongreso na hindi inaasahang mangyayari ngayon taon na kailangan masolusyunan.


Bukod sa maraming mga Pilipino ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay na kasalukuyang nakakaranas ng gutom, nangangailangan din ang mga magsasaka at mga hograisers ng tulong.

Kung hindi aniya masolusyunan ang mga ito, lalo pang tataas ang food inflation.

-- Advertisement --

“The economic assumptions on which the 2021 GAA are based were too optimistic, as it turnes out, based on the January 28 report of the PSA,” saad ni Quimbo sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo.

Sinabi ng kongresista na “most ideal” na hakbang sa ngayon ang ipasertipikahang urgent kay Pangulong Duterte ang Bayanihan 3 gayong siyam na session days na lang ang natitira bago ang Holy Week break ng Kongreso.

Base sa impormasyon mula sa Department of Budget and Management (DBM), ang COVID-19 responses sa ilalim ng 2021 GAA ay mababa sa P300 billion, o halos 2 percent lamang ng gross domestic product (GDP).

Iginiit ni Quimbo na mababa ito kung ikukumpara naman sa ginagastos ng mga kalapit na bansa ng Pilipinas sa ASEAN Region, tulad ng Singapore (18%), Thailand (12%), at Indonesia (5%).

Kaya ang P300-billion COVID-19 response ng pamahalaan ay masyadong mababa para masolusyunan ang P3.2-trillion economic loss noong nakaraang taon.