-- Advertisements --

Umapela sa publiko partikular na sa mga deboto ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church na patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na minimum health protocol sa ginaganap na prosisyon ngayong Biyernes Santo na nagsimula na kaninang madaling araw.

Sa isang advisory ay nagpapaalalang muli ang Minor Basilica na walang magaganap na pagdadala ng imahe ng Itim na Nazareno ngayong Semana Santa.

Ito ay upang maiwasan na rin na magkaroon ng pagtutulakan ng mga debotong dadalo sa naturang aktibidad.

Mahigpit na hinihikayat din ang publiko na magsuot ng tsinelas o sapatos sa panahon nang prosisyon imbes na maglakad ng nakayapak, at gayundin ang palagiang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa proper physical distancing.

Bukod dito ay nanawagan din ang simbahan nang maayos na disiplina mula sa bawat isa sa oras na ilabas na nito ang imahe ng Itim na Nazareno.

Ang naturang mga tagubilin ay hakbang ng simbahan bilang pag-iingat pa rin sa panganib na dala ng COVID-19 at maiwasan na pagmulan ng panibagong surge ang naturang mga aktibidad na tatampok ngayong panahaon ng Semana Santa.