Humingi nang paumanhin ang pamunuan ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) bunsod sa ginawang pagkakamali ng Lucban Municipal Police Station hinggil sa “victim-blaming” post na inulan ng batikos sa social media.

Sa inilabas na pahayag ng Quezon PPO, batid nila ang negatibong epekto ng naturang post.

Sa nabanggit kasi na post ng istasyon ay sinabihan nila ang mga babae na umiwas sa pagsusuot ng maiikling damit para makaiwas sa pambabastos.

Gayunman, nilinaw ng Quezon PNP na ang naturang post ay para magbigay lang ng payo para sa mga babae para mas maprotektahan pa ang kanilang sarili.

Pinaalalalahanan ni Col. Audie Madrideo, provincial director ng Quezon PPO sa lahat ng police stations sa lalawigan kaugnay sa cyber-etiquette para hindi malabag ang PNP code of conduct.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa victim-blaming post at inaalam pa kung masasampahan sila ng kasong administratibo.