-- Advertisements --
image 146

Naghahanda ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa agarang hakbang upang matugunan ang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa lungsod.
Ito’y makaraang makaranas sila ng mga pagbaha sa nakalipas na dalawang linggo, kung saan mayroong 10 kaso na ang naitala.
Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang kaniyang pagkabahala at agad na inatasan ang departamento ng kalusugan, sa pamamagitan ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU), na tugunan ang isyu.
Upang pigilan umano ang pagkalat ng sakit at protektahan ang mga indibidwal na nasa panganib, ang paggamit ng Doxycycline o antibiotics ay sinimulan na rin upang gamutin ang mga impeksyon at ipinamahagi ang gamot sa mga barangay health centers.
Binigyan din ang frontline responders mula sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng lungsod.
Sinasabing bibigyan ng antibiotics bilang prophylaxis ang mga high-risk na indibidwal, lalo na ang mga lumusong sa baha nitong mga nakaraang araw.
Iaalok din ito bilang maagang paggamot sa mga indibidwal na na-diagnose na may leptospirosis.
Ang pagsusuri ay mahalaga upang maiwasan ang malubhang komplikasyon na maaaring humantong sa pagkaospital.