LONDON – Ipinatawag ni Queen Elizabeth ang kanyang apo na si Prince Harry para sa isang crisis meeting para talakayin ang arrangements niya at ng kanyang asawa na si Meghan kasunod ng anunsyo ng dalawa na nais nilang talikuran ang kanilang tungkulin bilang bahagi ng royal family.
Dadalo rin sa naturang pagpupulong sa darating na Martes (araw sa Pilipinas) ang ama ni Harry na si Prince Charles at nakatatandang kapatid nito na si Prince William.
Ayon sa ilang sources, isasagawa pulong sa Sandringham estate ni Queen Elizabeth sa Norfolk, eastern England.
Samantala, susubukan naman umano ni Meghan na makibahagi sa talakayan sa pamamagitan nang tawag sa telepono dahil kasalukuyang nasa Canada ito kasama ang anak na si Archie.
Nagulat ang publiko maging ang royal family noong nakaraang linggo nang inanunsyo nina Harry at Meghan na nais na nilang magkaroon ng bagong working model para mas makapunta sila ng madalas sa North America at maging financially independent.
Hindi nila kinonsulta sa desisyon na ito ang 93-anyos na monarch o maging sinuman sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Labis na ikinadismaya ni Queen Elizabeth ang naging desisyon ng kanyang apo. (Reuters)















