Kinalampag ni Deputy Minority Leader Stella Luz Quimbo ang IATF at ang Ehekutibo na i-recalibrate ang COVID-19 pandemic response hindi lamang sa pangkalusugan kundi maging sa pang-ekonomiya rin.
Sa inihain niyang House Resolution No. 2209, hinimok ni Quimbo ang national government na alisin na ang polisiya sa mga quarantine classifications at kaagad na magpatupad ng granular lockdowns, bakuna at business bubbles sa Metro Manila at sa iba pang metropolitan areas sa bansa.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Quimbo na magiging mas targeted ang mga hakbang na susundin para masawata ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 at maiwasan din ang pagkalugi sa ekonomiya dulot nang pag-asa lamang sa enhanced mobility restrictions.
Paraan din aniya ito para masindihan ulit ang ekonomiya habang pinuprotektahan ang kalusugan ng sambayanang Pilipino.
Dahil dito, isinusulong ni Quimbo ang pagtatag ng Bayanihan Para sa Pagbangon Ad Hoc Committee na siyang magre-review sa kapangyarihan, composition, at functions ng IATF, pati na rin ang pagsilip sa economic recovery programs at mga polisiya nito.
Paulit-ulit na lang kasi ang nangyayari na maglo-lockdown tuwing tataas ang Covid cases pero wala namang nababago sa mga istratehiya.