Ipinasisilip ni Deputy Majority Leader Bernadette Herrera sa Governance Commission on Government-Owned and -Controlled Corporations (GCG) ang qualifications ng mga opisyal ng PhilHealth at tukuyin kung “good fit” ang mga ito sa kanilang hawak na posisyon sa state health insurer.
Ngayong nahaharap sa issue ng korapsyon at mismanagement ang PhilHealth, iginiit ni Herrera na dapat matiyak na compliant sa “fit and proper” rule ang mga opisyal ng ahensya.
Dapat aniya na mayroong integridad, experience, education, training at competence sa kanilang mandato ang mga namumuno sa PhilHealth.
“It is for the best interest of the nation and the millions of PhilHealth members to make sure that only the fit and proper, as defined by GCG, are appointed to management posts in the agency,” ani Herrera.
Binigyan diin ng kongresista na natuklasan sa imbestigasyon ng Kamara kamakailan hinggil sa mga anomaliya sa PhilHealth na ilan sa mga opisyal na nasasangkot sa issue ng korapsyon sa ahensya ay tila hindi aniya qualified sa kanilang hawak na posisyon.
Binago aniya ang qualifications para sa posisyon na executive vice president at chief operating officer para lamang ma-accommodate ang accountant na si Arnel de Jesus.
Sinabi ni Herrera na dati sa naturang posisyon ang pagiging career service professional.
Ganito rin aniya ang nangyari kay senior vice president for the legal sector Rodolfo del Rosario Jr., na wala man lang prior experience sa anumang law-related positions dahil noong 2016 lamang ito pumasa ng Bar.
Si acting senior vice president for actuarial services Nerissa Santiago naman aniya ay hindi active member ng Actuarial Society of the Philippines, na ang mga miyembro ay dapat passers ng actuarial exams na isinasagawa ng United States-based Society of Actuaries o SOA.