-- Advertisements --

Muling nagsampa ang Quezon City Police District ng kasong kriminal laban sa mga opisyal ng transport group na Manibela.

May kaugnayan pa rin ito sa ikinasang kilos-protesta ng naturang grupo noong Mayo 6, 2024 bilang pagtutol sa isinusulong na Modernization Program ng pamahalaan para sa mga Public Utility Vehicle sa bansa.

Ang inihaing kaso ng QCPD ay laban sa mismong Leader at Chairperson ng naturang grupo na si Mar Valbuena, at dalawang iba pang mga indibidwal.

Ang kasong ito ay dahil sa ginawang “grave public inconvenience and disturbance” ng naturang grupo sa kasagsagan ng kanilang ikinasang kilos-protesta sa labas ng Batasang Pambansa nang walang pinanghahawakang kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City na maituturing naman na paglabag sa Batas Pambansa No. 880 o Public Assembly Act of 1985.

Bukod dito ay may inihain din na reklamo ang QCPD laban sa grupong Manibela na may kaugnayan naman sa paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o alarm and scandal, gayundin ang resistance and disobedience o ang Article 151 ng Revised Penal Code.

Kung maaalala, una rito ay sinampahan na rin ng QCPD ng kaparehong mga kaso ang naturang grupo noong nakaraang buwan nang dahil naman sa naging “disruptive behavior” nito sa kasagsagan ng dalawang araw na transport strike na kanilang ikinasal noong Abril sa bahagi ng Welcome Rotonda sa Quezon City.