-- Advertisements --

Naglabas ng public apology ang Quezon City Police District sa pangunguna ng district director nito na si PBGen. Redrico Maranan para sa naulilang pamilya ng beteranong aktor na si Ronaldo Valdez.

Kasunod ito ng paglalabas ng hinanakit ng anak ni Valdez na si Janno Gibbs hinggil sa naging pag-handle ng kapulisan sa kaso ng pagkamatay ng kaniyang ama kaugnay pa rin sa pagkalat ng video ng crime scene ng yumaong aktor nang respondehan ito ng mga otoridad.

Ayon kay PBGen. Maranan, batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, limang pulis ang sangkot sa nasabing pagpapakalat ng video at ang mga kasong administratibo aniya ng mga ito na may kaugnayan sa grave misconduct at serious irregularity in performace of duty ay naisampa na sa PNP Internal Affairs Service.

Habang bukod dito ay inihahanda na rin ng aniya ng QCPD ang mga kasong kriminal na posibleng isampa laban sa apat na mga sibilyan na napag-alaman ng pulisya na unang nag post at nagpakalat ng naturang video.

Samantala, kaugnay nito ay muling iginiit ni QCPD Director PBGen. Maranan na hindi nito kukunsintihin ang sinumang magkakamaling pulis na kaniyang nasasakupan sinasadya man ito o hindi.