Gagamit ng bagong face recognition app sa ilalim ng itinatag na Unified Intelligence and Investigation Center (UIIC) ang Quezon City Police District (QCPD) bilang bahagi ng aktibong pagsugpo sa krimen sa lungsod.
Dito ay posible nang matukoy kung ang nahuling suspek ay may dating criminal record o nakapending na warrant of arrest sa loob lamang ng ilang segundo.
Tila madali rin itong gamitin dahil mayroon lamang tatlong hakbang upang maisagawa ang naturang face app sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Kuhanan ng larawan sa cellphone ang suspek na nahuli
2. Ipadala ang litrato sa viber group ng QCPD Cyberpatroller Group
3. I-cross match sa unified system ang larawan at hintayin lamang lumabas kung may warrant of arrest o criminal record ng suspek
Ayon naman kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, malalaman din dito kung gumagamit ng ibang pangalan o kung peke and ID na ipinapakita ng mga suspek.
Dagdag pa niya na lubos na makatutulong sa kanila ang nasabing app upang matukoy nang tama ang pagkakakilanlan ng mga suspek lalo na at maraming nakalulusot sa warrants of arrest at ‘yung mga legal processes dahil sa mga pekeng dokumento.
Samantala, sinigurado naman ni Maranan na walang mangyayaring isyu ng mistaken identity dahil ang nasabing application ay dagdag lamang sa kanilang paraan kontra krimen.