Naghigpit ang Quezon City government sa kanilang mga residente na lumalabas at nagtutungo sa mga establishimento.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, na kailangan magpresenta ng company ID at quarantine pass ang mga residente ng magtutungo sa iba’t-ibang establishimento sa lungsod.
Ang nasabing hakbang ay para mapigilan ang pagdami ng coronavirus 2019 o COVID-19 matapos na mailipat sa general community quarantine.
Nais kasi tiyakin ng alkalde na ang mga indibidwal na lumalabas sa kanilang bahay ay mga bibili lamang ng mga essentials at papunta sa kanilang trabaho.
Ang mga establishimento ay kinabibilangan ng mga commercial buildings, palengke at mga shopping centers.
Kasama rin na dapat magpakita ng mga quarantine pass ay yung mga nagsasagawa ng outdoor exercises, mga nag-jojogging, nagbibisikleta at iba pa.
Pinayuhan din nito ang mga barangay opisyals ng lungsod na kung maaari ay magbigay sila ng dalawang quarantine pass sa bawat isang bahay.
Pagtitiyak nito na nakabantay ang mga kapulisan para mabantayan sa mga lalabag.
Umaabot na kasi sa 9,540 ang naitalang kaso sa lungsod kung saan 2,233 ang aktibo, 6,916 ang recoveries at 391 ang nasawi.