-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Nakalatag na ang seguridad na ipinapatupad ng Aklan Police Provincial Office sa nakatakdang pagdating ng Papal Nuncio, mga obispo, kaparian at cardinals sa bayan ng Kalibo, Aklan para sa gaganapin na retreat at 126th plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magsisimula ngayong araw, Hulyo 3-10 ng kasalukuyang taon.

Una rito, inialay ang misa kahapon ng unang araw ng linggo na pinangunahan ni Bishop Jose Corazon Talaoc, D.D ng Diocese of Kalibo para sa ligtas na pagbyahe ng Papal Nuncio, 88 active bishops, 37 retired o resigned prelates at dalawang diocesan priest administrators sa gaganapin na event sa Marzon Hotel sa Jaime Cardinal Sin Avenue sa bayan ng Kalibo.

Sa pambihirang pagkakataon ay napili ang Diocese of Kalibo na gaganapan ng CBCP plenary assembly na twice-a-year meeting kung saan, sesentro ang asembleya sa pastoral matters kabilang na ang agenda sa moral, doctrinal at social issues.

Pagkatapos ng mahalagang plenary assembly ay didiretso ang mga ito sa isla ng Boracay at doon magpapalipas ng gabi bago bumalik sa kaniya-kaniyang pinanggalingang lugar.