Papayagan ang lahat ng public utility vehicles (PUVs) na mag-renew ng kanilang registration sa gitna ng consolidation deadline extension na iniutos ni Pangulong Marcos, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Inihayag ni LTO chief Vigor Mendoza na saklaw din nito ang mga Filcab at UV Express units basta’t nakakuha sila ng kumpirmasyon mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Papayagan ng LTFRB ang mga late confirmation ng mga Filcab, jeepney at UV Express units na may mga plaka na nagtatapos sa 1 hanggang Pebrero 9.
Iniurong din nito ang penalty para sa hindi pagkumpirma ng mga unit sa isang board resolution na may petsang Pebrero 1.
Sinabi ng LTFRB na makatutulong ito sa transition ng deadline ng consolidation sa Abril 30 mula sa nakaraang Disyembre 31, 2023 na deadline.
Una rito, naglabas ang ahensya noong nakaraang linggo ng Memorandum Circular 2024-011 na nagtatakda ng guidelines para sa paghahain ng mga aplikasyon para sa consolidation sa gitna ng extension.