Umaabot na sa 70% ang bilang ng mga traditional jeepneys na naging miyembro ng mga transport cooperatives sa bansa, bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ayon sa DOTr, tanda ito ng pagnanais ng maraming mga tsuper at operator na nagnanais maging bahagi ng isinusulong na modernization program ng pamahalaan.
Paliwanag ni Transportation Secretary Jaime Bautista, ramdam ng mga ito ang maraming bentahe ng pagsali sa programang modernisasyon sa public transport, kasama na ang tuluyang pagbuti ng kalidad ng buhay ng mga nauna nang sumali dito.
Ayon sa kalihim, ang 70% ng mga operators at tsuper na nakibahagi sa naturang programa ay bahagi na ng 1,700 transport cooperatives sa buong bansa.
Kasabay nito, hinikayat muli ng kalihim ang mga tsuper at operators na tanggapin na ang inaalok ng pamahalaan na modernisasyon sa mga pampublikong jeepney mula sa mga tradisyunal na jeepney.
Maalalang una nang pinalawig ng pamahalaan ang deadline para sa consolidation ng mga transport cooperative ng hanggang Dec 31, 2023.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga operators at mga tsuper ay kailangang bumuo ng mga kooperatiba o korporasyon.