ILOILO CITY – Inaasahan ng mga public utility vehicle drivers sa lungsod ng Iloilo ang pagdating ng walong karton ng face masks upang kaagad na magamit bilang proteksyon sa Novel Coronavirus.

Ito ang kasunod ng pagpapalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng memorandum circular hinggil sa pagsuot ng mga Public Utility Vehicle Drivers ng face mask.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Raymundo “Boyet” Parcon, presidente ng Iloilo City Loop Alliance of Jeepney Operators and Driver’s Association, sinabi nito na ang walong karton ng face mask ay hahatiin sa lahat ng miyembro ng kanilang asosasyon.

Ayon kay Parcon, bukod sa walong karton, bibili pa sila ng karagdagang face mask lalong-lalo na at nagkakaubusan na ng supply sa lungsod ng Iloilo.

Napag-alaman na maliban sa pagsuot ng face mask, ang bawat terminal operator ay kailangang maglaan ng disinfectant o sanitizers upang magamit ng mga pasahero na nasa terminal.

-- Advertisement --