Binigyang-diin ng mga mambabatas na panahon na upang pakinggan ang mga puna ng mga foreign investors sa mga pagbabago sa ekonomiya ng bansa na nais magnegosyo.
Ayon kay Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, na dapat ding mapakinggan ang mga potensyal na mamumuhunan. Dahil sila ang nakakaranas ng mga hamong kinakaharap bago makapagtayo ng negosyo sa Pilipinas.
Sinabi ni Roman na kanilang nirerespeto ang pahayag ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, pero dapat pakinggan din ang mga investors.
Tinutukoy ni Roman ang naging pahayag ni Carpio, na aniya’y tila kakulangan sa pag-unawa ng ating mga pinuno sa lawak ng dayuhang pagmamay-ari, sa ilalim ng batas, ng mga negosyo sa ating bansa.
Batay sa naging pahayag ni Justice Carpio, marami nang naisabatas ang Kongreso na nagbibigay daan sa dayuhang pagmamay-ari, na isa sa mga pangunahing argumento ng mga nagsusulong ng reporma sa Konstitusyon, na aniya ang nagpapahina sa argumento para sa Cha-cha.
Sumasang-ayon din si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, sa mga ipinunto ni Roman sa mga pahayag ng dating mahistrado.
Sina Roman, Bongalon, at ang iba pang mga mambabatas na sumusuporta sa Cha-cha ay naniniwala na ang pag-alis sa economic restrictions ng Saligang Batas ay magbubunga ng pag-usbong ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas.