Wala naman umanong nakikitang rason ang Philippine National Police (PNP) na hindi magiging mapayapa ang pagdaraos ng eleksyon sa Negros Oriental.
Ito ang binigyang-diin ni Police Lieutenant General Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police kasabay ng kanyang pagbisita kahapon, Agosto 24, sa headquarters ng Police Regional Office-7.
Kumpiyansa pa ni Sermonia na ang kasalukuyang sitwasyon sa nasabing lalawigan ay nananatiling “manageable.”
Nasampahan na rin umano ng kaso ang mga sangkot sa kalokohan at naaresto na rin ang mga gumagawa ng karahasan doon kaya naman tiwala siyang wala nang rason para may mangyayari pa.
Pinasalamatan naman nito ang aktibong partisipasyon ng mga NegOrenses dahil malaki pa umano ang naitutulong ng mga ito maliban sa presensya ng mga tauhan ng pulisya at mga sundalo.
Samantala, sinabi pa nito na ipatutupad nila ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang isang “honest, peaceful, at credible” na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Aniya, nakahanda ang PNP na mag-alok ng seguridad sa panahon ng eleksyon.
Ibinunyag din ng heneral na ang lahat ng regional police directors ay ipinatawag pa lamang sa Camp Crame headquarters para ilatag ang kanilang security protocols para sa isang mapayapa, patas, at maayos na halalan.