-- Advertisements --

MANDAUE CITY- Patuloy na iniimbestigahan ng Mandaue City Police Office (MCPO) ang sanhi ng pagkamatay ng 19-anyos na lalaking nursing student sa loob ng isang unibersidad sa lungsod kaninang alas-9 ng umaga, Oktubre 17.

Inaalam pa rin sa ngayon kung tumalon ba o nahulog ang estudyante mula sa ika-10 palapag ng gusali.

Sinubukan pa ng doktor ng paaralan na i-revive ang biktima ngunit bigo ito.

May posibilidad pa umano na ito’y isang mistulang pagpapakamatay, ngunit ibeberipika pa nila ito at iimbestigahan din ang lahat ng anggulo na maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng estudyante.

Pinag-aaralan na ng pulisya ang mga available na CCTV footage.

Bandang alas-8:30 ng umaga, dumating pa ang biktima sa kanyang silid ngunit ilang minuto ay lumabas din ito.

Batay sa kopya ng footage mula sa ikalawang palapag, nakitang mag-isang naglalakad papunta sa ika-10 palapag ang estudyante.

Wala naman umanong binaggit ang estudyante sa kanyang pamilya at mga kaibigan kung ano ang problema nito.

Inilarawan pa itong isang napaka-competitive at mahusay na estudyante sa paaralan.

Pinapaalalahanan naman ngayon ng mga otoridad ang mga magulang na laging kausapin ang kanilang mga anak.