LEGAZPI CITY – Pinayuhan ni Legapi City Mayor Noel Rosal ang publiko na magsumite ng report kaugnay ng mga insidente ng umanoy pag-iikot ng mga nangunguha ng bata, upang agad na maaksiyunan ng pulisya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rosal, siniguro nito ang pagbabantay ng mga pulis sa sitwasyon lalo na at wala pang detalye na nai-report sa police blotter at sa social media kumakalat ang naturang impormasyon.

Nagdudulot lang aniya ng pangamba at alarma sa iba pang magulang ang hindi pa kumpirmadong impormasyon.

Sa kabila nito, nagdagdag na ng police visibility upang maiwasan ang naturang insidente bilang bahagi ng preventive measures.

Nakiusap pa ang alkalde na maging maingat sa ibinabahagi online upang maiwasan ang mga assumptions kasabay ng paalala sa mga posibleng legal na hakbang na kakaharapin kung ipagpapatuloy ang pagbabahagi ng pekeng impormasyon.