-- Advertisements --

Mayroon nang “persons of interest” ang Cebu City Police Office (CCPO) sa sunud-sunod na insidenteng napaulat na pinasok ang ilan sa mga kabahayan nitong lungsod ng mga nagpakilalang pulis at tinangay ang mga gamit ng naging biktima nito.

Inihayag ni Police Lt. Col. Wilbert Parilla, CCPO Deputy City Director for Administration, na nakatanggap sila ng ilang impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng mga ito at ipinag-utos na sa mga hepe ang pagberipika sa impormasyon.

Nauna nang nakatanggap ang CCPO ng mga ulat na may grupo ng mga indibidwal na pumasok sa mga bahay at nagkukunwaring operasyon ng iligal na droga ngunit kinuha lang ang mga gamit ng biktima.

Sinabi pa ni Parilla na sinusuri na nila kung ang nasa likod ba ng insidenteng ito ay mga dating pulis at asset na natanggal sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa mga ilegal na aktibidad.

Samantala, hinimok naman ni Police Regional Office (PRO)-7 Brigadier General Roderick Augustus Alba ang publiko na magdoble ingat at mahalagang malaman ang Standard Operating Procedure kung may mga gustong pumasok sa kanilang mga bahay.