ILOILO CITY – Inamin ng pulis na nahuli sa drug buy bust operation sa Brgy. North Fundidor, Molo, Iloilo City na sa New Bilibid Prison nanggaling ang illegal na droga at binebenta sa Iloilo City.
Ang arestado ay Police Staff Sergeant Igmedio Cristobal, Jr., 40, residente ng Brgy. Jereos, Lapaz, at nakatalaga sa Regional Election Monitoring and Action Center sa Police Regional Office (PRO6).
Nakuha sa possession ni Cristobal ang mahigit P374,000 na halaga ng iligal nga droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng PRO 6, sinabi nito na kailangan pa nilang i-validate ang ibinunyag ni Cristobal.
Anya, aalamin rin nila ang kaugnayan ni Cristobal sa iba pang mga nahuling durugista sa rehiyon na nagbunyag rin na sa New Bilibid Prison nila kinukuha ang suplay ng iligal na droga na kanilang ibinebenta.