-- Advertisements --

Hinimok ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang Senado na agad ipasa ang National Land Use Act upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha sa bansa.

Ayon kay Yamsuan, hindi sapat ang mga lokal na proyekto sa drainage dahil ang pagbaha ay may kaugnayan din sa land use, infrastructure at environmental planning.

Naniniwala ang mambabatas na makatutulong ang National Land Use Act upang magkaroon ng iisang sistema sa pagpaplano ng paggamit ng lupa at maiwasan ang pagtatayo ng mga bahay, negosyo at imprastraktura sa mga lugar na mataas ang panganib sa baha.

Kasama sa bersyon ng panukala na naipasa na ng Kamara noong Mayo 5, 2026 ang paggamit ng hazard maps, geospatial data at environmental assessments sa pagpaplano ng land use, lalo na sa flood plains, watershed at coastal areas.

Iminungkahi rin ni Yamsuan ang pag-aaral sa behavioral, environmental at historical (BEH) na kalagayan ng mga komunidad na madalas bahain upang mas angkop ang mga solusyon sa bawat lugar.

Binigyang-diin din niya ang paggamit ng “sponge city” approach, kung saan ginagamit ang green infrastructure at nature-based solutions upang masipsip at maipon ang tubig-ulan.

Nakatakda ring pag-aralan ng Metro Manila Development Authority at Asian Infrastructure Investment Bank ang mga lugar kung saan maaaring ipatupad ang naturang modelo.

Samantala, nakabinbin pa sa Senado ang counterpart version ng National Land Use Act.