ILOILO CITY- Iniutos na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pag-dismiss kay Police Staff Sergeant Ricardo Cabrera Morante , ang suspek na tinuturong bumaril-patay sa negosyante na si Delfin Britanico, anak ni dating congressman Salvador “Buddy” Britanico.
Ngunit ang nasabing dismissal order ay para sa kaso nitong grave misconduct kung saan noong 2016 pa ito inilabas ng NAPOLCOM Central office ngunit hindi ito nakarating sa NAPOLCOM Region 6 at Police Regional office 6.
Mismo si dating congressman Britanico ang nakadiskubre sa nasabing dismissal order matapos nitong binerepika sa nasabing komisyon.
Ayon naman kay Police Lieutenant Colonel Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office- 6, hinihintay nalang ng kanilang opisina ang letter sa finality ng dismissal mula sa national police headquarters.
Sa ngayon, si Morante ay nananatili sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) ng Police Regional Office 6 kasama ang tatlo pang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa negosyante na kinabibilangan nina Police Staff Sergeant Michael Demegillo de Felipe; Police Staff Sergeant Freddie Hibalo Libo-on; at Police Master Sergeant Vernie Lui Escorial.
Oras na naisilbi na ang dismissal order kay Morante, ito ay paalisin sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa PRO-6 at tatanggalin din ang lahat ng kanyang sahod at benepisyo.