Nababahala ang prosecution team ng Kamara sa pahayag ng Senate Impeachment Court Spokesperson na si Atty. Reginald Tongol na mistulang nag-aabogado umano para kay Vice President Sara Duterte matapos magmungkahi ng “legal strategy” na maaaring magpaantala sa paglilitis.
Binanggit ni House Impeachment Spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy ang pahayag ni Tongol na kung siya ang bise-presidente ay maghahain siya ng motion to dismiss.
Tila sumusunod aniya si Tongol sa yapak ng ilan sa mga “biased” na senador tulad ni Bato Dela Rosa na nag-mosyon para i-dismiss ang impeachment case.
Paliwanag ni Bucoy, bilang spokesperson ay inihahayag ni Tongol ang nasa isip ng Senado kaya ang suhestyon kay VP Sara ay maling-mali.
Pinagmamatyag din nito ang publiko kung itutuloy pa ng Senado ang impeachment trial sa sandaling makapag-comply na ang Kamara sa dalawang kundisyon na inilatag.
Hindi naman isinasantabi ng Prosecution Spokesperson ang paghahain ng Senado ng isa pang mosyon para talakayin ang hurisdiksyon.
Bukod dito, kinikilala ni Bucoy ang posibilidad na ilang mga senador ang iiwas sa banta sa pulitika partikular ang pagboto ng conviction o acquittal laban kay Duterte na maituturing umanong paghuhugas-kamay.