Mariing itinanggi ng Kamara ang alegasyon na pinababayaan nito ang San Juanico Bridge na nagdudugtong sa Samar at Leyte.
Ito ay sa gitna ng pagpapalitan ng mga salita nina Senadora Imee Marcos at House of Representatives Spokesperson Atty. Princess Abante hinggil sa isyu ng San Juanico Bridge.
Ayon kay Abante, simula pa noong 2018 ay taun-tain nang pinaglalaanan ng pondo ang rehabilitasyon ng naturang tulay.
Sinabi ni Abante na P27 million na alokasyon noong 2018; P22 million noong 2019; P105 million pagsapit ng 2021, P90 million noong 2022; P150 million noong 2023; at P400 million ang panukala para sa 2026.
Personal aniyang tinutukan ni House Speaker Martin Romualdez ang pag-follow up sa usapin ng San Juanico Bridge at inatasan si Representative Jude Acidre na makipag-usap kay DPWH Secretary Manuel Bonoan noong June 5 para mapabilis ang repair at assessment efforts.
Hindi umano dahil sa kakulangan sa budget ang pagkaantala ng pagsasaayos ng tulay kundi sa implementation gaps gaya ng kakulangan sa koordinasyon, contingency plans at maagang aksyon ng mga ahensya.
Iginiit pa ni Abante na itinutulak ni Romualdez ang pagtatayo ng pangalawang San Juanico Bridge upang hindi na maulit ang problema.
Banat naman ng tagapagsalita ng Kamara kay Senadora Marcos, “proud” pa siyang sabihin na taga-Leyte siya noong panahon ng kampanya kung saan bukod sa tarpaulin at litrato ay inihahayag pa na may dugong Waray ngunit ngayong may krisis ay puro sisi sa halip na tumulong.
Tanong tuloy ni Abante kay Marcos kung ano nga ba ang aktwal na ambag nito sa San Juanico Bridge.