Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang magaganap na special treatment sa pagsisilbi ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) kay Senator Ronald dela Rosa.
Ito ay sa sandaling ganap nang maipatupad ang pagsisilbi ng arrest warrant laban sa senador.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na kahit pa dating naging chief PNP si dela Rosa, gagawin nila ang kanilang mandato nang walang takot o walang pinapaboran, ito man ay sa kanilang mga operasyon o pagsisilbi ng warrant of arrest.
Sinabi ni Nartatez, sila sa PNP ay palaging inihahanda ang kanilang mga sarili at hanay sa pagharap sa tungkulin upang mapa-igting pa ang kanilang operasyon.
Bukod dito, mahigpit din aniya ang pakikipag-tulungan nila sa Department of Justice (DOJ) at iba pang law enforcement agencies, upang masiguro na naipatutupad nang tama ang batas.










