Hiniling ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na ipagpaliban ang pagsisimula ng trial proceedings ng hanggang 19 na buwan.
Ito ay matapos ang confirmation of charges ng dating Pangulo noong Abril 23, 2026.
Base sa filing ng bagong lead counsel ni Duterte na si Peter Haynes sa ICC Trial Chamber III, kailangan nila ng karagdagang panahon para makapaghanda sa kaso.
Inihalimbawa rin ng lawyer ang mga dating kaso ng ICC na sinimulan makalipas ang 14 hanggang sa 19 na buwan matapos ang confirmation of charges. Sakaling pagbigyan ito, maililipat ang trial sa pagitan ng Hunyo at Nobiyembre 2027 pa.
Taliwas ito sa hiling ng prosekusyon na simulan ang trial sa Nobiyembre 30, 2026 o wala pang walong buwan matapos ang confirmation of charges.
Katwiran pa ng depensa na “inappropriate” na itakda ang petsa ngayon dahil sa mga hindi pa nareresolbang isyu na maaaring makaapekto sa paglilitis.
Ayon kay Haynes, dapat munang tukuyin ng Trial chamber kung “fit” na humarap sa trial si Duterte. Bagamat kinikilala ng depensa ang isinagawang pagsusuri sa kalusugan ng dating pangulo noong pre-trial phase, patuloy aniya ang pag-deteriorate ng kaniyang kalagayan at kailangang masuri ng mabuti bago simulan ang anumang trial.
















