ILOILO CITY – Sinampahan na ng kasong kriminal ang isang pulis sa Pandan, Antique.
Ito’y matapos nanakit at nagpaputok ng kanyang service firearm nang matalo sa online game na Mobile Legend.
Kinilala ang nasabing pulis na si Police Staff Sergeant Jhune Alvarez, ang court process officer ng Pandan Municipal Police Station sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pol. Lt. Col. Joem Malong, spokesperson ng Police Regional Office (PRO)-VI, sinabi nito na ni-relieve na sa posisyon at nasa ilalim na ng Antique Provincial Personnel Holding and Accounting Unit si Alvarez.
May rekomendasyon din na isinumite kay PRO-VI Director Police Brigadier General Rolando Miranda na ilipat siya sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit.
Base sa report na pinasa sa PRO-VI, lasing ang pulis nang mangyari ang insidente at naka-off duty ito nang natalo sa online game, nagwala at pinaputukan ng baril ang mga rumesponde na kasamahang pulis.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Provincial Internal Affairs Service sa kasong administratibo na isasampa laban kay Alvarez.