BUTUAN CITY – Labis ang pasasalamat ng pamilya Sakilan mula sa Basilan matapos tuluyan na nilang makasama muli ang kanilang kapatid na pulis na tatlong taon nang nawawala, dahil sa tulong ng Bombo Radyo Butuan.

Napag-alamang noon pang 2017 nang unang dumulog sa Bombo Radyo Butuan si Satar Sakilan, isang Muslim, upang hanapin ang kanyang kapatid na si SPO2 Police Senior Master Sergeant Moreno Bebe.

Nitong nakaraang linggo lamang nang ito’y bumalik upang muling manawagan sa nawawalang kapatid.

Kahapon, natagpuan na ang kanyang kapatid matapos magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan nito si dating Kapitan Danilo Babor sa Barangay Bayanihan nang malaman sa Bombo Radyo ang nasabing problema.

Dahil dito, binalikan nila ang Bombo Radyo upang personal na magpasalamat.

Samantala, nabalot din sa pasasalamat si SPO2 Bebe dahil matagal na rin niyang gustong makapiling uli ang kaniyang pamilya lalo na ang kanyang ina.

Inamin nito na problema sa pamilya ang nagtulak sa kaniya na umalis sa kanilang lugar at sumama sa kanyang kaibigan na siyang tinuluyan nito sa Butuan.