-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang dalawa katao sa madugong vehicular accident sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Master Sergeant Bayanga Bakal na nakatalaga sa Maguindanao Police Provincial Mobile Force Company at tiyahin nitong retiradong guro na si Salima Bakal Tuladteg Al-hadja, mga residente ng Datu Piang, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng Libungan PNP sakay ang mga biktima sa isang kotse mula sa Cotabato City pauwi sa bayan ng Datu Piang.

Ngunit pagsapit nila sa isang tulay sa Barangay Baguer, Libungan, Cotabato ay bumangga ito sa kasalubong na ten-wheeler truck ng Lamsan Company.

Nagkayupi-yupi ang kotse at matagal bago nailabas ang mga biktima na naipit sa loob ng sasakyan.

Nagtamo ng matinding sugat at bali sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima kaya agad silang binawian ng buhay.

Ilan sa mga residente ang nagsabi na matulin umano ang takbo ng kotse hanggang sa bumangga sa kasalubong na trak.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng traffic unit ng Libungan Cotabato PNP sa madugong aksidente.