(Update) Pinatitiyak ni PNP (Philippine National Police) Chief Gen. Debold Sinas na mananagot ang lahat ng mga mahuhuling pulis na sangkot sa iligal na aktibidad.
Ito’y matapos maaresto ang isang pulis at kasabwat nito na sangkot sa gunrunning activities sa Metro Manila sa ikinasang operasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kinilala ni Sinas ang nahuling pulis na si Senior Staff Sergeant Reynaldo Ursulum, 50-anyos na kasalukuyang naka-assign sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit ng Police Regional Office-7 at residente ng Chavez St., Central Bicutan,Taguig City.
Nadakip din ang kasabwat nito na si Carvyn Parcon, 21-anyos na residente ng Dona Soledad Ave., Paranaque City.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na Bushmaster M4A1 carbines, isang PNP-issued Taurus 9mm pistol, magazine assemblies with live ammunition, identification at ATM cards at isang sport utility vehicle na may plate number JUN 660.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Ursulum na ang nasabing baril ay galing sa Alabang, Muntinlupa City.
Ikinasa ang operasyon ng CIDG para bumili ng apat na assault rifles na nagkakahalaga ng P500,000 mula sa suspek bandang alas-10:00 kagabi sa harap ng isang sikat na restaurant sa Paranaque City.