Reading Time: 1 minute

KALIBO, Aklan – Nasa kritikal na kalagayan ang isang pulis matapos aksidenteng mabaril ng kanyang kasamahan sa loob ng isang pavement sa Barangay Dit-ana, Madalag, Aklan.

Sinasabing aksidenteng nabaril si Police Corporal Jose Brady, 35-anyos na residente ng Panit-an, Capiz, ng kanyang kasamang si Police Corporal Erwin Magarzo, bandang alas-9:00 kagabi habang naghahanda nang matulog sa kani-kanilang duyan.

Kapwa nakatalaga sila Brady at Magarzo sa 1st Aklan Provincial Mobile Company.

Base sa report ng Madalag Police Station, kinuha umano ni Magarzo ang kanyang nakasandal na M16 armalite rifle at inilipat sa kanyang kaliwang higaan.

Ngunit sumabit ito sa kulambo at aksidenteng pumutok at tinamaan si Brady ng bumandang bala sa kanyang ulo.

Kaagad na ibinayahe sa isang ospital sa siyudad ng Iloilo si Brady habang si Magarzo ay nasa kustodiya na ng kanilang hepe na si P/Major Donel Regis.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.