-- Advertisements --

Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang Taiwanese national na matagal nang wanted sa Taipei, Taiwan dahil sa drug trafficking at possession of guns at deadly weapons.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang suspek ay kinilalang si Yang Chuan Yi, 45 na naaresto sa Tanza, Cavite ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga ito sa Tanza Municipal Police Station.

Ang suspek ay nasa most wanted list ng Taiwan mula noong March 2014 nang maglabas ng warrant of arrest ang New Taipei District Prosecutor’s Office na nagsagawa ng imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot ng suspek sa narcotics trafficking.

Isa pang warrant ang inisyu laban kay Yang ng prosecutor’s office base naman sa reklamong possession of guns, ammunition at bladed weapons.

Taong 2016 nang nag-isyu ang BI board of commissioners ng warrant of deportation kabilang na ang order ng kanyang summary deportation.

Pero nakapagtago pa si Yang hanggang mayroong mga impormante ang nagbigay ng impormasyon sa BI sa kinaroroonan ng suspek.

Sinabi naman ni BI-FSU acting chief Rendell Ryan Sy, ang puganteng Taiwanese ay overstaying at undocumented alien na sa Pilipinas na walong taong nagtago.

Base sa record ng BI, huling pumasok ang banyaga sa bansa bilang turista noong May 2013 at dito na rin nagsimulang magtago.