Nakaditine na sa Bureau of Immigration (BI) detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang isang puganteng Korean national na wanted sa multi-million telecommunications fraud sa kanilang bansa.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang suspek na isang 47-anyos ay si Kim Tae Ho na naaresto sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City sa pamamagitan ng mga miyembro ng fugitive search unit (FSU) ng Immigration bureau.
Ang suspek ay sinasabing miyembro ng sindikato na nakakulimbat ng 3.8 billion won o nasa $3.2 million na katumbas naman ng mahigit-kumulang P160 million noong Setyembre 2012 hanggang July 2013.
Nagpapanggap umano ang grupo na bank teller at saka hihimukin ang mga biktima na ideposito ang kanilang pera kapalit ng loan na mayroon lamang mababang interest.
Ayon naman kay BI-FSU Chief Rendel Sy, si Kim ay subject ng standing warrant of arrest na inisyu ng Gwangju District Court sa Korea.
Sa ngayon inaayos na lamang ng BI ang mga dokumento ng suspek para sa kanyang deportation.
Pagkatapos nito nito ay ilalagay na rin sa blacklist ang banyaga para mapigilang muling makapasok sa Pilipinas.