-- Advertisements --

Hawak ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng American national na wanted sa kanilang bansa dahil sa contempt of court at ang pagtutol sa court order sa isang child custody case.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang pugante ay kinilalang si Cyndie Mamuad Mesina, 54-anyos.

Ang suspek ay naaresto sa Roxas Boulevard, Ermita, Manila sa pamamagitan ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Morente na overstaying alien na rin ang banyaga at wala nang maipakitang valid travel documents na kinumpirma naman ng mga otiridad sa Estados Unidos.

Una rito, agad daw naglabas ng mission order si Morente sa ikadadakip ng suspek para tugunan ang kahilingan ng US authorities.

Si Mesina ay subject ng arrest warrant na inisyu ng Superior Court ng California sa San Mateo County matapos itong ma-cite ng contempt ng korte dahil sa child abduction o depravation of custody.

Maliban dito, naisyuhan din ang banyaga ng warrant of arrest dahil sa hindi paggalang sa proseso ng korte sa US.

Sa ngayon, nakatidine na ang banyaga sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Inaasikaso na rin ng BI Board of Commissioners ang kanyang deportation.

Dagdag ng BI, isasama na rin daw ang pangalan ng banyaga sa blacklist at pagbabawalan nang makapasok dito sa Pilipinas.