CENTRAL MINDANAO- Nahuli ng mga otoridad ang isang pugante sa nangyaring jailbreak noong 2017 sa Cotabato District Jail.

Nakilala ang suspek na si Danny De Guzman Ligue, 41-anyos, may asawa at residente ng Sitio Nazareth Brgy Amas Kidapawan City.

Ayon kay Kidapawan City Chief of Police Lieutenant Colonel Ramel Hojilla na nahuli ang suspek sa isinagawang joint operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG North Cotabato) Kidapawan City PNP, PNP Regional Mobile Force Battalion at PNP-Special Action Force (SAF).

Namataan si Ligue ng ilang mga Barangay Opisyal na nagtatago sa Sitio Puas Inda Brgy Amas Kidapawan City kaya agad itong hinuli ng mga otoridad.

Ang suspek ay isa lamang sa mahigit isang daan at limampung mga preso na nakatakas sa naganap na ‘jail break’ noong Enero 4, 2017 sa Cotabato District Jail.

-- Advertisement --

Sinabi ni Hojilla na si Ligue ay lider din umano ng grupong sangkot sa gun-for-hire sa Kidapawan City at mga bayan sa ikalawang distrito sa probinsya ng Cotabato.

Ang pugante ay may kinakaharap na kasong murder na may criminal case number 200-2009 na inisyu ni Judge Jose Tabosares ng RTC Branch 12 sa siyudad Kidapawan.

Narekober sa posisyon ng suspek ang isang .38 revolver at mga bala.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng CIDG North Cotabato ang suspek at sasampahan ito ng karagdagang kaso sa korte.