-- Advertisements --

Bubuksan ng Senado ang bahagi ng kanilang gusali para sa mga Pilipinong nais manood nang live sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.

Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., maaaring walk-in ang mga gustong manood, pero kailangan muna silang magparehistro sa Visitor Management ng Senado. Maaari rin umanong magpa-reserve online.

Gayunpaman, limitado lamang ang bilang ng maaaring makapasok dahil ang plenary hall ng Senado ay may kapasidad lamang na humigit-kumulang 340 katao sa gallery at 30 katao naman sa VIP area.

Hahatiin rin ang mga upuan para sa iba’t ibang grupo. Isang bahagi ang ilalaan sa mga inimbitahan ng prosekusyon, isang bahagi sa panig ng depensa, at isang bahagi naman para sa publiko.

Bukod sa mga manonood sa loob ng Senado, inaasahang mapapanood din ng mas maraming Pilipino ang paglilitis sa pamamagitan ng online streaming platforms.

Samantala, puspusan na ang paghahanda ng Senado para sa pagsisimula ng paglilitis. Ininspeksyon na ng mga opisyal ang mga gagamiting silid, sound system, at iba pang kagamitan upang matiyak ang maayos na daloy ng proceedings.

Magugunitang nahaharap si VP Sara sa mga alegasyong kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga isyu kaugnay ng hindi maipaliwanag na yaman.