-- Advertisements --

Todo pawagan ngayon ang OCTA Research group sa publiko ngayong Pasko at Bagong taon na sundin ang minimum public health standards.

Kasunod na rin ito ng bahagyang pagtaas ng positivity rate o bilis ng hawaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR).

Sa kanyang report, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David ang positivity rate sa region ay tumaas sa 0.77 noong December 16 hanggang 22 habang ang positivity rate sa NCR ay nasa pinakamababang antas noong December 12 hanggang 18 sa 0.62.

Naniniwala si David na ang pagtaas ng kaso ay epekto na rin ng holiday season.

Posibleng ito rin umano ang simula ng pagbabago sa trend ng naitatalang kaso ng COVID-19.

Nakikita rin ni David na tataas pa ang positivity rate dahil sa pagdami ng social gatherings.

Hindi naman daw dapat itong ikahabahala pero kailangang isaalang-alang pa rin ang mga health protocols habang nag-e-enjoy sa holiday season.

Wala rin daw malinaw na projection ang OCTA sa magiging stiwasyon hanggang sa unang linggo ng Enero pero lagi naman nilang ie-evaluate ang sitwasyon sa susunod na dalawang linggo.

Kahapon nang naitala ng Department of Health (DoH) ang 288 na bagong kaso ng COVID-19.

Sa ngayon nasa kabuuang 2,837,903 ang naitalang kaso ng covid sa bansa at 9,251 ang aktibong kaso.