Muling nagsagawa ang mga health workers mula sa public at pribadong ospital ng kilos protesta sa harap ng Department of Health (DoH) para ipanawagan na ibigay na ang mga benepisyong hindi pa naibibigay sa kanila mula noong nagsimula ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Jose Rizal Memorial Medical Center Employees Union Cristy Donguines, hanggang sa ngayon ay hindi pa raw naibibigay ang ipinangakong benepisyo kabilang na ang special risk allowance, meal, accommodation at transportation allowance maging ang hazard pay.
Binatikos ng grupo ang pangako noon pa ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa loob ng 10 araw ay maibibigay na ang allowances ng mga health workers na nagsisilbi sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Binigyang diin ng grupo na kailangan na nilang makuha ang kanilang mga allowances dahil sila ang laging nasa bingit ng panganib.
Noong buwan ngAgosto nang binigyan ni Pangulong Duterte ang DoH at Department of Budget and Management ng 10 araw para ibigay ang benepisyong hiling ng mga health workers.
Nagbanta pa noon ang mga nurses at healthcare workers na magsasagawa ng mass resignation kung patuloy na hindi nila matatanggap ang special risk allowance mula sa Health Department.
Sinabi rin ni Alliance of Health Workers (AHW) president Robert Mendoza na may ilan na rin sa kanila ang nag-iisip nang mag-early retirement dahil wala namang sapat na proteksiyon na natatanggap sila sa pamahalaan.
Nagbanta siya na babagsak ang healthcare system kapag itinuloy ng mga medical frontliners sa pribadong sektor ang kanilang mga banta.
Pero agad namang tumugon dito si DoH Secretary Francisco Duque III at ipinaliwanag na unti-unti nang inilalabas ang mga hinihinging mga benepisyo ng pribadong medical workers.