-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Upang gawing makabuluhan at produktibo ang 14 na araw na pananatili ng Persons Under Monitoring (PUM) sa loob ng isolation facility sa bayan ng Pigcawayan, Cotabato mas pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ang ginagawang psychosocial activities.

Sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ay araw-araw na isinasagawa ang mga aktibidad na gaya ng zumba exercise, bible study, counseling, movie marathon at creative activities naman para sa mga bata.

Ito ay bilang pagtalima sa kagustuhan at kautusan ni Mayor Jean Dino Roquero.

Ayon kay Mayor Roquero, ito ay upang maiwasan ang pagtakas at pagkabagot ng mga PUM sa loob ng isolation facility.

Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Roquero sa lahat ng mga empleyado ng LGU at volunteers na handang maglingkod sa bayan anumang oras kung kinakailangan para sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong ngayong panahon.

Nabatid na nag donate rin ng refrigerator ang alkalde upang magamit ng MSWDO personnel na silang naatasan sa paghahanda ng pagkain ng mga PUM at isang TV set naman mula kay Councilor Greggy Saljay.

Samantala, araw-araw naman ang monitoring na ginagawa ng mga healthcare workers ng Rural Health Unit (RHU) sa body temperature ng mga PUM.

Sila rin ang nangangalaga sa buong isolation area katuwang ang MDRRMO at PNP.

Abot sa 37 PUM ang naka quarantine sa Municipal Isolation Facility na nasa Pigcawayan National High School.

Ayon kay Municipal Epidemiology Surveillance Unit (MESU) Officer Maritez Llegado, RN., sila ay mga tinulungang makauwi ng LGU sa bayan na na stranded sa ibang lugar sa pamamagitan ng programa na Sagip Stranded North Cotabateños ni Governor Nancy Catamco