Inihayag ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) na tatalima ito sa desisyon ng Office of the Ombudsman para suspendihin ang mga dati at kasalukuyang opisyal at ilang kawani ng kagawaran kaugnay sa umano’y maanomaliyang pagbili ng pandemic supplies noong 2020 at 2021.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na iginagalang nito at kinikilala ang awtoridad at desisyon ng Ombudsman.
Ayon pa kay PS-DBM Executive Director Dennis Santiago na nakikiisa sila sa Office of the Ombudsman sa laban nito para sa katotohanan at paninindigan sa tiwala ng taumbayan.
Sa ilalim ng kasalukuyang liderato ng PS-DBM, tiniyak nitong ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad ng mahahalagang procurement at administrative reforms habang ipinapatupad ang zero tolerance sa mga iregularidad at anumang uri ng korupsiyon.
Kung magugunita, sinuspendi ng Office of the Ombudsman ang 32 dati at kasalukuyang mga opisyal ng PS-DBM at ng Department of Health (DOH) dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa maanomalyang pagbili ng pandemic supplies ng gobyerno noong 2020 at 2021.