-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinaalarma na ng Provincial Health Office (PHO) ang lumulobong kaso ng COVID-19 sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Health Officer Dr. Estella Zenit, posible umanong may nakapasok ng kaso ng Omicron variant sa lalawigan dahil sa mabilis na pagkalat ng sakit.

Hindi pa naman ito matukoy sa ngayon dahil inaabot ng tatlong linggo ang paglalabas ng resulta ng genome sequencing.

Ayon kay Zenit, bumuti na sana ang sitwasyon ng COVID-19 sa lalawigan kung saan ilang araw din noong Disyembre na hindi nakapagtala ng kaso.

Subalit sa pagpasok ng taon, muling tumaas ang kaso ng mga nahahawaan na iniuugnay sa Omicron variant.

Hindi na rin ikinagulat ng health official ang pagkakabilang ng Albay sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 3 simula bukas, Enero 14.

Nitong mga nakalipas na araw, pumapalo sa higit 80 ang mga bagong kasong naitatala sa lalawigan.