-- Advertisements --
image 503

Papayagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makadaan ang mga provincial bus sa may kahabaan ng EDSA mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga hanggang sa Nobiyembre 6.

Ito ay kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero para sa Barangay at SK elections at sa Undas break.

Ang mga provincial bus na magmumula sa Hilagang Luzon ay papayagang makarating hanggang sa mga terminal sa Cubao, QC. Habang ang mga bus naman mula sa South Luzon ay maaaring magistasyon sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Samantala, magpapakalat din ang MMDA ng karagdagang traffic enforcers , Road Emergency Groups at Helpdesk Tents para matulungan ang mga pasahero at mga motorista.

Nasa kabuuang 1,400 traffic enforcers ang ipapakalat ng MMDA sa buong Metro Manila para mapanatili ang kaayusan sa mga pangunahing kakalsadahan.

Nitong araw ng Biyernes, nagsimula ng dumagsa ang mga pasahero sa mga terminal, paliparan, at pantalan sa gitna na rin ng nalalapit na long weekend dahil sa lokal na halalan at paggunita ng Undas.

Kung saan inaasahan ng pamunuan ng PITX pa lamang na pinakamalaking transport hub sa Metro Manila ang nasa 1.6 million pasahero na dadagsa mula October 27 hanggang November 6.