-- Advertisements --

Inirekomenda ng isang kongresista ang pagbuo ng standard protocols para sa outbreaks ng mga sakit gaya ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD) sa Pilipinas.

Ito’y sa gitna ng ginagawang hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang posibleng pagkalat ng nasabing sakit at posibleng biohazard emergencies.

Sinabi ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Henry Ong, marapat lamang din na bumuo ng isang permanent task force na siyang magsisilbi bilang command-and-control ng gobyerno at “first and last line of defense” ng bansa sakaling magkaroon ng outbreak ng sakit.

Dapat aniya paghandaan din ito ng pamahalaan katulad nang paghahanda sa tuwing mayroong kalamidad sa bansa tulad ng lindol at bagyo.

“Naka-focus ang mga drills sa mga lindol pero wala talaga tayong preparasyon pagdating sa pagkalat ng mga nakamamatay na mga sakit gaya ng nCoV,” ani Ong.

Para kay Ong, “chaotic” at hindi agad nagkaroon ng command-and-control mechanism ang gobyerno sa n-cov outbreak kaya nagkaroon ng delays sa implementasyon ng counter-measures.

Nagdulot din aniya ito ng panic dahil sa agad na lumaganap sa social media ang mga maling impormasyon patungkol sa nasabing sakit.

“Out experience with nCoV should serve as wake-up call and prompt the creation of an established protocol that is proactive and can be activated automatically at the slightest hint of a diseas outbreak,” dagdag pa nito.

Samantala, tiniyak ng liderato ng Kamara ang kanilang kahandaan sa pagtulong sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan laban sa 2019 n-cov ARD.

Sinabi ni Majority Leader Martin Romualdez na handa silang suportahan ang logistical requirement na maaaring kailanganin ng Department of Health sa paglaban sa sakit na ito.

Kasabay nito, umapela si Romualdez sa publiko na iwasan na ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon para maiwasan na rin ang panic.

Nanawagan din ang kongresista na itigil na ang hate campaign laban sa mga Chinese nationals.