VIGAN CITY – Binigyang diin ng Batangas Police Provincial Office (PPO) na mas mahigpit pa umano ang kanilang pagroronda at pagbabantay sa mga lugar na ni-lockdown kapag ipinapatupad na ang window hours.
Ito umano ay bahagi ng protocol ng mga otoridad sa pagbabantay sa mga nasabing lugar upang masigurong walang manamantala sa sitwasyon at walang manakaw na mga kagamitan o alagang hayop ng mga evacuees.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Police Col. Edwin Quilates, provincial director ng Batangas PPO, kapag lalabas na ang mga residenteng pinayagang makabalik sa kanilang mga tahanan, mayroon umanong ilang katanungan ang mga otoridad sa kanila.
Maliban pa rito, mahigpit din umanong binabantayan ng mga otoridad kung ano ang “behavior” ng alagang hayop na bitbit ng mga evacuees upang matukoy kung pagmamay-ari ba nila o hindi.
Una nang sinabi ni Quilates na bumuo na sila ng anti-looting task force upang matiyak na walang nakawang mangyari sa mga lugar na isinailalim sa lockdown.