-- Advertisements --

Mananatili bilang alkalde ng Taguig si Lino Cayetano.

Ito’y matapos ibasura ng 2nd Division ng Commission of Elections (Comelec) ang protesta ni Arnel Cerafica sa pagkapanalo ni Mayor Cayetano noong 2019 elections.

Sa naturang halalan, tinambakan ni Cayetano si Cerafica matapos mabilang sa kanyang pabor ang 172,710 na boto samantalang 109,313 lamang ang nakuhang boto ni Cerafica. Dapatwa’t ang kalamangan ay 63,357 na boto, hindi nag-atubiling maghain ng protesta si Cerafica.

Sa kautusang ipinalabas ng Comelec noong 31 Enero 2022, wala umanong nakitang patunay ng mga iregularidad kagaya ng pamimili ng boto, pag-shade ng mga poll watchers ng mga balota, pamamahagi ng sample ballots, at malfunction ng VCMs (vote counting machines) na siyang nagbigay diumano ng panalo kay Mayor Cayetano. Nakita sa mismong mga binuksan at manual na siniyasat na mga balota na walang iregularidad sa botohan. Bagkus, naitaguyod ng mga nirepasong balota ang malinaw na pagpili ng mayorya ng mga botante kay Mayor Cayetano.

Sa 252-pahinang Order, isinaad ng Comelec ang pagbusisi ng walong (Revision Committees sa mga balota sa 93 pilot protested precincts na katumbas ng 20% ng 467 protested precincts. Sa naunang pagbilang ng VCMs sa naturang 93 precincts, may 33,557 na balota ang pabor kay Cayetano samantalang may 25,463 ang inilista kay Cerafica.

Alinsunod sa patakaran ng Comelec, kailangang magpakita ng substantial recovery si Cerafica upang maipagpatuloy ang kanyang protesta sa mga naiwang contested precincts. Sa pagrebisa ng mga balota sa pilot contested precincts, kailangang umabot man lang sa 20% ng pangkalahatang lamang ng nanalong kandidato ang makuhang dagdag na boto ng natalo. Sapagkat 63,357 boto ang lamang ni Cayetano, nangailangan si Cerafica ng karagdagang 12,680 na boto upang umarangkada ang kanyang protesta.

Sa matiyaga at detalyadong pagsusuri ng Revision Committees, nakumpirmang suntok daw sa buwan ang protesta ni Cerafica. Umabot lamang sa 82 dagdag na boto ang nailista sa kanya, subalit nabawasan din siya ng 11 boto kung kaya’t ang dating 25,463 na boto sa kanya ay naging 25,534 (o dagdag na 71 lamang). Si Cayetano naman ay nadagdagan ng 70 na boto kontra sa 15 na nabawas, kung kaya’t lumaki rin ang kanyang dating boto na 33,557 at naging 33,612 (o dagdag na 55 boto).

Kapos na kapos ang karagdagang 16 na boto ni Cerafica sa kinakailangang 12,680 na boto. Dahil katiting na tsansa si Cerafica na malampasan ang kalamangan ni Cayetano, walang makitang dahilan ang COMELEC para palawigin pa ang bilang ng mga presintong irerebisa ang mga balota. Pagsasayang lamang ng oras na ipagpatuloy pa ang protesta ni Cerafica. Kung kaya’t ibinasura ito ng Comelec.

Sa nalalapit na Mayo 2022 halalan, tumatakbo muli si Cerafica para maging alkalde ng lungsod Taguig. Makatutunggali niya si Cong. Lani Cayetano, na siyang hinalal ng mayorya ng Taguiguenos bilang kanilang alkade noong 2010, 2013, at 2016.