Pinaiiklian ni Deputy Speaker Dan Fernandez sa PhilHealth ang proseso ng releasing ng pondo para sa mga ospital at healthcare institutions.
Sa pagpapatuloy ng joint hearing ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability sa mga anomalyang kinakaharap ng PhilHealth, sinabi ni Fernandez na lantad sa katiwalian ang proseso ngayon ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) system.
Walong proseso kasi aniya ang pinagdadaanan bago ma-i-release ang pondo sa mga ospital.
Bukod dito, mayroon din aniyang duplication o redundancy mula sa hanay ng mga opisyal na pinagdadaanan ng proseso sa paglalabas ng pondo.
Sinita rin ng kongresista ang paglabag aniya ng PhilHealth sa RA 1127 dahil ang Treasury Department ng ahensya ang siyang nago-operate ng ng auto credit payment system (ACPS) o paglalabas ng pondo para sa mga pagamutan .
Ginagawa aniya ito kahit na hindi dumaan sa otorisasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).